February 13, 2023

ENTABLADO

ENTABLADO

Sumapaw sa gabi ang malungkot na imahe
Lugar na makasalanan dyan sa may tabi-tabi
Napukaw ang paningin, sa may sulok di mapakali
Nakita kong hindi makalipad ang isang kalapati

Isang musikang mapanglaw ang kanilang isinalang
Lahat ay tumahimik at pawang nag-aabang
Sa isang maliit na entablado lahat ay nagtinginan
At isang wasak na bulaklak ang kanilang pinagpyestahan

Natapos ang isa, sumunod ang pangalawa
Sa anino pa lamang niya, natuwa na ang madla
Mapapansin mo agad ang kasuotan ng dalaga
Isang sapatos, yun lang at wala nang iba.

Kapit sa patalim kung kanila itong tawagin,
Sa ayaw at gusto nila katawan nila ang gagamitin
Kung hindi nila kayanin ay ibabaling ang tingin
Kaysa naman sa isang araw ay wala silang makain.

Natapos ang gabi, mag-isa lang syang umuwi
Sa kanyang mga mata, kalungkutan di mapapawi
At patuloy inaalis sa isipan ang mga nangyari
Isang gabi ng pagsisisi ang hindi na naman niya mababawi.




No comments:

Pages